Kung may taong pinagkaitan ng mga talento, tingin ko ay ako na ‘yon! Kung sakali mang mabasa mo ang walang kwentang entry na ito at narealize mong bigla na halos pareho tayo o ‘di naman kaya ay mas wala kang talento kesa akin, please lang, nagmamakaawa ako sa’yo na kung maaari ay ipagbigay alam mo naman sa akin para naman kahit papaano ay guminhawa ang pakiramdam ko at para naman maipagsigawan ko ng malakas na hindi lang ako ang nag-iisang tanga sa mundo. Mahabag ka at ‘wag mo sanang ipagkait sa akin ang katotohanang hindi ako nag-iisa. Magpakilala ka sa akin at magkapit bisig tayo sapagkat wala ng ibang magtutulungan pa kundi tayo tayo ring mga bobo.
Nakakahiya man sabihin pero aaminin ko sa inyo, hindi ako marunong magmaneho ng sasakyan. Literal na sasakyan as in lahat ng uri ng sasakyan. Magmula sa skate shoes, roller blades, trolly, skate board, bisikleta, motor bike, kotse at 11 wheeler na truck ay hindi talaga ako marunong. Hindi ako marunong lumangoy. Wala akong alam na tugtugin kahit na isang instrumento at kalakip ng kawalan ko ng talento sa musika ay ang tunog lata ng young’s town sardines na boses ko. Hilig ko ang musika ngunit walang hilig ang musika sa akin. Sa tuwing magtatangka akong kumanta ay palaging may tonong Pavaroti na bumubulong sa akin ng “tang ina mo, wag kang feeling!”
Sinubukan kong mag-ala universal motion dancers at street boys nuong grade 5 ako at gaya ng mga nauna kong sinubukan, kabiguan nanaman ang tinamo ko. Isang taon tsaka ko lang napansin ang katotohanang pareho palang kanan ang paa ko. No wonder kaya hirap na hirap sa akin ang mga saleslady ng sapatos sa department store nuong bata pa ako.
Hindi ako marunong mag basketball. Kung ‘di jakol ay patay ang butiki lagi ang tira ko. Hindi ako marunong mag volleyball, hindi ako marunong mag bilyar, kakapiranggot ang nalalaman ko patungkol sa boksing o suntukan, wala akong alam sa chess at hindi ako marunong mag bowling. Kulang ang karanasan ko sa pakikipagkaibigan. Maangas ako sa mga kapwa ko lalake. Antipatiko ako sa mga babae. Isnabero ako sa mga bakla. At hindi ko pinapakialaman ang mga tomboy. Torpe ako. Hindi ako marunong manligaw.
Kung kulang pa ang mga nabanggit ko, pwes heto pa ang ilan!—Madalas akong makasira ng polo pag namamalantsa. Kung hindi hilaw ay sunog ang bigas na sinasaing ko. Madalas akong nakakabasag ng plato sa tuwing nagbabait baitan akong magboluntaryo sa paghuhugas ng mga pinagkainan. Hindi ko natatanggal ang mga marka sa maduduming damit pag naglalaba ako at madalas kong mamantsahan ang mga malilinis na damit ‘pag sinusuot ko ang mga ito. Hindi ako marunong magsinungaling. Lagi akong nahuhuli ‘pag nagpapalusot ako. Pakiramdam ko tuloy ay ang tanga tanga ko at ang bobo bobo ko. Kahit nga pagtatali ng sintas ng sapatos hirap na hirap pa ‘ko. Minsan tuloy naisip ko na ako si Juan Tanga. Kilala mo ba siya? Hindi? Ako din eh. Ang alam ko lang ay siya yata ‘yung nawawalang kapatid ng hari ng sablay.
Gayunpaman ay masaya pa rin ako at nagpapasalamat na sa kabila ng mga pagkukulang ko bilang tao ay pinagkalooban naman ako ng matalas na isip, busilak na kalooban, at kagwapuhang hindi matutuluran. Ehem! O sige na, cute na lang matigil ka lang!
P.S. (Pahabol Salahat)
Nagpost ako ng blog entry na closed kahapon dahil lilipat na ako ng trabaho. Hindi ko alam kung makakapagblog ba ako duon. Hindi ko alam kung pwedeng magplurk. At dahil sa wala akong internet sa bahay at dahil sa magiging busy ako at magkukunwaring good boy muna sa bagong trabahong lilipatan ay pinagpasyahan ko na abisuhan kayo na pansamantalang hindi muna ako makakapagsulat.
P.P.S. (Pahabol Pa Salahat)
Nag-apply ako ng internet sa mall nuong linggo. Block listed daw ang address namin. Hindi siguro nagbayad ‘yung dating tenant. Tinawagan ako nuong lunes at sinabing cleared na raw at maaari na akong kabitan, gusto ko daw ba eh ikabit na agad nuong araw din na ‘yon. Aba OO, sure, sure! ‘Yan ang sagot ko. Kinabit ng lunes ng umaga ang telepono, nagkaroon ng dial tone ng hapon. Bumalik sila manong kunektador kaninang hapon at boom!!! May internet na ako. Sabi sa inyo tatae lang ako eh. Miss me much? Hindi? Ok, I hate you! Che!




