Namimiss ko ‘yung mga araw na mas nahihirapan pa akong magbalat ng butong pakwan kesa mag-isip ng maibloblog. ‘Yung mga panahon na tila balde sa ilalim ng nakabukas na gripo ang utak ko na nag uumapaw sa ideya. ‘Yung mga pagkakataon na animo’y may sariling pag-iisip ang mga daliri ko na kusang lumalagitik sa tipahan ng mga letra at may sariling utak upang makapaglathala. Wala lang, namimiss ko lang. At alam kong wala kang pakialam!
Kung tutuusin ay parang peris wil sa perya, wayld riber sa lungsod ng mga bituin, at ankors awey sa kaharian ng mga nakabibighani ang buhay ko ngayon. Maraming kaganapan na nais ko din sanang ipamahagi sa lima at minsan anim na mambabasa ng pahinang ito sa pook sa sapot. Hindi naman ako nahihirapan na humagilap ng mga wastong salita para iparating sa mga mambabasa ang mga nais kong iparating. Wala lang talaga akong oras gawa na din ng aking pagiging abala sa aking bagong trabaho. Marahil ay may mangilan ngilan ding tao na nagtatanong sa kanilang isipan kahit papaano kung nasaan na ba ako. Kahit dalawa o tatlo lang masaya na ako dahil kahit papaano ay mga naghahanap pa din pala sa akin. Ano bang pinagka-abalahan ko nitong nakalipas na kalahating buwan? Ano ba ang umokupa at kumain ng oras ko at ni hindi ko man lang nagawang makapag sulat? Ni HI ni HO wala man lang.
Tama si Mnel sa iniwan niyang bakas sa cbox ko. Nilamon na nga ata ako ng aking trabaho. Hindi naman sa pagpapakamartyr pero madalas akong nagpapaubaya ng aking oras para makapag OT. Ngaragan ngayong mga panahon na ito sa kumpanya. Ubusan ng likido sa katawan at patayan kung patayan. Nasubukan ko pa nga minsan na halos labing walong oras akong nagtatrabaho. Sobra sobrang dedikasyon na ba ang matatawag duon? Siguro ay nagpapasiklab lang ako sa mga nakakataas ngayon dahil bago pa lang ako sa trabaho. Pero naisip ko na baka hindi din. Baka gusto ko lang at mahal ko lang talaga ang ginagawa ko. Ayaw mong maniwala? OK sige. Muka akong pera at malaki ang bayad kapag OT. O ayan masaya ka na?!
Minsan, ‘pag tumitingin ako sa salamin ay halos hindi ko na makilala ang imaheng maaaninag dito. Para ng mukang binangas ang itsura. Parang likha ng sining na kung tawagin ay abstrak at mukang sobrang nahirapan ang nagpinta. Animo’y dalawang pampasehorang dyip na luma at nagbanggaan ang mga kilay. Tila bakanteng lote ng ginawang imbakan ng mga nabubulok na basura. Parang salita na mahirap ispelengin. Parang librong mahirap basahin. Parang larawang kupas. Parang mukang sinampal ng mangilang ulit ng dyowa dahil nahuling naninilip sa dingding ng kwarto ni aling milagring putatsing. Parang balat ng baboy na grabe kung mag mantika. Parang adik na tulala. Parang tanga lang. Tapos bigla na lang akong pipikit kasabay ng paglisan ay mag iiwan ng mga katagang “ayos lang, kyut ka pa din naman!”
Ng dahil sa trabaho ang daming bagay ang naabandona ko. Unang una ay ang pahinang ito. Hindi man lang ako nakagawa ng entry para sa ikalawang buwan ng walangkwentang datkom! Ang plurk ko na nasa estado na ng nirvana ay bumaba ang karma mula 82.95 patungong 74.39. Ang kajologang friendster ko na pagkadami dami na ng updates. Ang multiply na mukang nagdivide na. Ang email ko na pagkarami rami din ng inbox at spam messages. Ang ym na punong puno ng offline messages. Break na pala si karylle at dingdong at si marian ang dahilan? Wala na pala si anne at sam kasi lalake talaga ang gusto ni sam? Nalilink si pops kay gabby? Namatay ang lola ni pauleen luna kaya kinansela nya ang pagdiriwang ng kanyang kaarawan? Nanliligaw si carlo aquino kay roxanne guinoo? WTF?!?!?! Kalahating buwan at ngyari ang lahat ng ito? Saan ba ako galing? Ganuon ba ako katagal nawala?
Hindi ako hiatus gaya ng tinatanong ni Gasul. Patalastas: Happy aniversary nga pala sa kanyang blog. Balik na sa usapan: Pero hindi din siguro ibig sabihin nito ay regular na uli akong makakagawa ng entry. Andito lang ako sa tabi tabi. Nagpapaka-otistik sa sulok ng cubicle ko sa opisina. Nagtratrabaho para sa kakapiranggot na sweldo hindi gaya ng limpak limpak na salapi na natatamo ng mga big boss. Magsusulat pa din naman ako ebri wans en a wayl at muli, alam kong walang pakialam ang karamihan sa inyo sa sinasabi kong ‘to. Sinasabi ko lang para sa kapakanan ng limang mambabasa ko. Maglalathala pa din ako ‘pag nangati ang kamay ko at gusto kong maglathala. ‘Pag may mga bagong saloobin at bagong nais iparating. ‘Pag may mga sariwang ideya at bagong maaaring ilitanya. Basta andito lang ako, kaparehas na bagay lang ng andiyan ka lang.
Nawawalan na ba ako ng sosyal layp? Hindi naman siguro. Nagagawa ko pa ngang magpunta sa zambales ng balikan. Ober nayt sa tagaytay ng biglaan. May nakabinbin pa ngang planong mag baguio o hundred islands sa isang linggo. Nagagawa ko pang makipaglaro ng poker sa mga bagong kakilala. Makipag inuman sa mga bagong mukang nakakasalamuha. Nagagawa ko pang kumain sa labas kasama ang mga dati ko ng kilalang blogger at kumain din at magkape kasama ang ilang mga bagong kakilalang blogista. Nagagawa ko pang pumunta sa birthday party ng dating kaklase at makikain sa kasal ng pinsan ng pinsan ng kapitbahay na dating kalaro nuong bata na inaanak ng pamangkin ng bilas ng bayaw ng ninang ng magtataho na madalas dumaan sa dating bahay namin. Madami pa din akong nagagawa pero ang mga dati kong kaibigan hindi ko na nakakasama kahit anong pag-aaya pa ang gawin nila ay lagi na lang akong pass at wala. Nakakapanghinayang. Nakaka-guilty din kasi lagi na lang akong hindi pwede at wala. Hindi naman ito sinadya. Lahat ito ay nagkakataon lang din lamang. Nakakalungkot lang isipin. Siguro ako na din mismo sa sarili ko ang may mali. At dahil diyan ay humihingi ako sa inyo ng paumanhin.
Nasimulan ko na lang din humingi ng tawad ay lulubos lubusin ko na ang pagkakataong ito para makahingi din ng paumanhin sa lahat ng taong dapat kong hingan ng tawad. Sa isang babae na hindi ko sinasadyang masaktan. Marami pa dyan, hindi lang ako ang nag-iisang gwapo sa mundo. Ok? Ahmmm, sa isa pang babae na pakiramdam ko ay umaasang may namamagitan sa amin kahit wala naman, pasensiya ka na pero lalake ang gusto ko at sana maintindihan mo. Sa drayber ng dyip na nasakyan ko nuong isang araw na hindi ko nabayaran dahil nakatulog ako at ‘pag gising ko ay lampas na pala ako, paumanhin ho, nataranta lang ako kaya ko nakalimutang nagbayad. Sa babaeng malalim ang cleavage na kumakain sa mcdo na natapunan ko ng large sprite sa ulo at nabasa ang kanyang corporate attire, patawad miss. Sa utol ko na niyosi ko ang huling yosi niya sa bulsa ng kanyang company b na pantalon na sana ay yoyosihin niya agad ‘pag gising n’ya, pasensiya ka na. Sa mga naghihintay ng bago kong post. Sa mga walang sawang bumabalik balik sa walang kwentang datkom kahit na alam niyong wala namang bago. Sa mga nag-iiwan ng mensahe sa cbox at kumento na hindi ko man lang masagot. Sa mga nag-eemail ng indecent proposals. Sa mga nag-aaya ng sex na hindi ko mapagbigyan kasi hindi ko pa alam kung pano ko imamanage na pagbigyan kayong lahat para walang magtampo. Sa inyong lahat. SORRY NA! Bati na tayo, pwede ba?
Napansin ko lang na ang haba haba na ng entry na ‘to. Parang ang daldal daldal ko tuloy. Baka isipin n’yo bakla ako. Tama ho ang hinala niyo. Mahilig ako sa titi, ‘yung pink!—Labinlimang araw ka ba naman hindi gumawa ng blog post ewan ko na lang kung hindi ka makagawa ng entry na pagkahaba haba. Medyo wala na ako sa hulog. Hindi ko alam kung paano tatapusin ‘tong entry na ‘to. Kaparehas din ng problema ko kanina kung paano sisimulan ang blog post na ‘to. Kaya ganito na lang siguro dapat. Para cool ay bigla na lang mawawala. Wakas!
P.S. (Pahabol Salahat)
Belated happy bertdey sa dalawang hayskul friend ko na si Jep at Neri nuong Nov. 13. Adbans hapi bertdey naman sa isa ko pang hayskul pren na si Dodong sa Nov. 20. Adbans pabati din ng hapi bertdey kay Barby na nakilala ko nuong college at maituturing kong isa sa mga malalapit kong kaibigan - Nov. 18. Belated hapi bertdey din kay Lethalverses. Happy aniversary uli kay Gasul. Belated hapi bday din kay Dudan. At maligayang pagbabalik kay Mr.D ng deardiarya. Sana nga ay tuloy na tuloy na ‘yan at naway ‘wag ka na uling magbura ng blog at ‘wag ka ng magpopost na bawal ang comment. Mabuhay kayong lahat!!!!!
11/17/2008 UPDATED!
Nakapalitan pa kita ng mensahe sa twitter. Nakausap pa kita sa plurk. Nakahalubilo pa kita sa isang maingay at nakakahilong ym conference. Nag-iwan ka pa ng comment sa blog post kong ito. At isang iglap lang. Bigla biglang. Wala ka na . . . . . .
Ferbert Bautista, kung nasaan ka man, salamat sa lahat ng mga ginintuang aral na isinulat mo sa blog mo, salamat at ipinamahagi mo ito sa amin. Habang buhay naming dadalin sa aming mga alaala ang makabuluhan mong letra at salita. Ang iyong hindi matutumbasan na literatura! Hindi ako magpapaalam ng tuluyan. Bagkus ay maghihintay ako sa iyong pagbabalik. Maaaring bukas, sa isang linggo, sa isang buwan, sa susunod na taon o kahit sa isang isang taon pa. O marahil ay hindi na talaga. Gayunpaman, nais kong malaman mong andito lang kaming maghihintay, ang iyong mga kaibigan. Ang iyong mga tagahanga. Ang mga walang sawang tagasubaybay ng nag-iisang libog blog na kokeymonster datkom! Chillax lang, kaibigan!




